MANILA, Philippines - Makaraang umalis ang bagyong Ferdie, isa pang bagyo ang maaaring pumasok sa Philippine area of responsibility sa Miyerkules makaraang mamataan ang isang bagong Low Pressure Area (LPA) na nagbabanta sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Elvie Enriquez, weather forecaster ng PAGASA, ang LPA ay may malaking posibilidad na maging ganap na bagyo at tatawaging Gener.
Kahapon ng umaga, ang LPA ay namataan ng PAGASA sa layong 1,170 kilometro sa silangan ng Mindanao.
Bunsod nito, patuloy na pinaiigting ng weather system ang epekto ng southwest monsoon o habagat na siyang nagdudulot ng mga pag-ulan sa Luzon, kasama na ang Metro Manila, Bicol Region, Mindoro, Marinduque at Northern Visayas, Boracay, Romblon at Calamian Group of Island.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maghanda at maging alerto sa paligid upang makaiwas sa anumang epekto ng kalamidad na dumarating sa bansa.