Cha-cha 'tigok' na
MANILA, Philippines - Maituturing nang patay ang “Cha-cha” sa ilalim ng 15th Congress matapos hindi suportahan ni Pangulong Aquino.
Ayon kay House Majority leader at Mandaluyong Congressman Neptali Gonzales II, bagamat hindi umano kailangan ang kapangyarihan ng Pangulo ay magiging mabagal at maliit lamang ang hakbang dito dahil ito pa rin ang pinaka makapangyarihang opisyal sa bansa kaya hindi maaaring balewalain ang impluwensya nito lalo na at nalalapit na ang eleksyon.
Ang maaari lang umanong gawin ng Kamara ay magpasa ng amendment at gawin itong isang panukala sa pamamagitan naman ng pagboto na itinatadhana ng saligang batas.
Pagkatapos nito ay saka ito ieendorso sa Commission on Election (Comelec) na siya namang gagawa ng hakbang upang magkaroon ng plebisito.
Sakaling maisasakatuparan ang Chacha bago magtapos ang 15th Congress, imposible na itong magawa pa sa nalalabing taon ng termino ng Pangulo.
Lalo naman umanong hindi ito uusad sa 16th Congress dahil maaakusahan umano ang Pangulo ng pagtatangkang palawigin ang termino nito.
Bukod sa Cha-cha, malabo na rin maipasa ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill dahil sa nalalapit na ang 2013 mid-term elections.
Ayon pa rin kay Gonzales, lumiliit na ang butas na pagdadaanan ng kontrobersyal na panukala dahil hanggang Disyembre na lamang sila kaya’t tapos o hindi tapos ay dapat na nilang ipasa ang papel pagdating ng nasabing buwan.
Dahil dito kaya hihilingin umano ni Gonzales kay House Speaker Feliciano Belmonte na ipatawag ang lahat ng miyembro ng Kamara upang magkaroon ng caucus at pagdesisyunan ang RH bill.
- Latest
- Trending