Nitso ni Dolphy handa na
Manila, Philippines - Handa na ang may P3 milyong halaga ng nitsong paglalagakan ng labi ni Dolphy sa Heritage Park sa Taguig City sa darating na Linggo.
Ito ang sinabi ni Fidel Salvacio, project manager ng memorial park, kung saan halos tapos na ang nitso at “finishing touch” na lamang ang ginagawa kung saan “jet black granite” na inimport pa buhat sa Italya ang exterior ng nitso.
Maaari umanong magtayo rin ang pamilya Quizon ng musoleo sa 39 metro kuwadradong lote na binili ni Dolphy. Umaabot na rin sa P3 milyon ang halaga ng nitso at ng lote. Madali umanong makita ang puntod ni Dolphy dahil nasa harapan lamang at nasa main road ito ng naturang memorial park.
Inihayag naman ni Eric Quizon na maaaring palawigin nila ang “public viewing” ngayong Sabado dahil sa inaasahang pagdagsa lalo ng mga tagahanga na nais na makita sa huling pagkakataon ang Hari ng Komedya. Maaari umanong paagahin nila ito sa nakagawiang alas-8 ng umaga o palawigin ang alas-3 ng hapon na pagtatapos.
Samantala, pinasalamatan rin ng buong pamilya Quizon ang pamahalaang Aquino sa pagdedeklara sa Hulyo 13 bilang “National Day of Remembrance” kay Dolphy na isa umanong malaking karangalan.
Ayon kay Rodolfo Quizon, Jr., nagagalak ang kanilang buong pamilya sa ibinigay na parangal habang hindi na nila iniisip ngayon kung maibibigay sa yumaong ama ang “National Artist Award” at wala ring problema kung hindi ito maibibigay sa kanya dahil sa alam naman nila na maraming nagmamahal sa Hari ng Komedya.
Sinabi naman ng isa sa apo ni Dolphy na si Boy2 Quizon na sa Dolphy Remembrance Day, mas matitiyak na magiging pangmatagalan ang pag-alala ng taumbayan sa kanyang lolo kahit natapos na ang “hype” nito.
Sinariwa naman ni Dolphy Jr. ang mga nagawang pagkukulang sa ama nang malulong sa masamang bisyo ngunit patuloy pa rin siyang tinanggap at minahal nito. Nagkaroon pa umano sila ng matinding pagtatalo noon dahil sa kinasangkutang kaso sanhi ng kanyang pagkakakulong ngunit hindi binitiwan ng ama ang suporta sa kanya at sa huli ay napagtanto niya ang kahihiyang idinulot lalo na’t siya ang may dala ng pangalan ng ama.
Bilang sukli, hindi na umano niya nilubayan ang ama nang tumindi ang pagkakasakit nito tulad rin ng ginawa ni Zsazsa Padilla na hindi lumisan sa tabi ng ama kahit na nang malagutan na ito ng hininga at siya mismo ang nag-tina pa ng buhok nito.
- Latest
- Trending