MANILA, Philippines - Tinitingnan na ng Amerika ang muling pagbuhay ng kanilang dating base militar sa Clark sa Angeles City, Pampanga at Subic sa Olongapo City, Zambales.
Inihayag ni US Chief of Naval Operations Admiral Jonathan Greenert ang plano ng Amerika na gamitin ang Clark Air Base at dating US Naval Base sa Subic Bay upang magsilbing “springboard” sa kanilang gagawing pagpapaigting ng pagbabantay sa Asia-Pacific region lalo na sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea o West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Greenet na dahil sa “maritime domain awareness flights” ng US forces sa nasabing rehiyon ay pinag-aaralan na ang paggamit sa mga dating base militar.
Hindi naman nagkomento si Greenet kung kinakailangan nang mag-deploy ng mga sundalong Amerikano sa lugar bagaman una nang umalma ang China sa pakikialam umano ng US sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Ang nasabing hakbang umano ng US ay bilang istratehiya ng kanilang depensa para sa mga magaganap na hamon sa mga darating na panahon.
Agad namang nag-react ang Chinese Foreign Ministry na bagaman bukas sila sa nasabing hakbang ng US ay dapat umanong irespeto nito ang interes ng mga bansang sangkot sa territorial dispute.
Magugunita na pinalayas ng Pilipinas ang mga sundalong Kano sa Subic Bay Naval Base noong 1991 at Clark Air Base noong 1992.