Pre-bidding para sa warehouse ng PCOS machine, sinimulan na
MANILA, Philippines - Naghahanap na ang Commission on Elections (Comelec) ng panibagong bodega na paglalagakan sa mahigit 80,000 precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa May 2013 midterm polls dahil sa nalalapit na pagtatapos ng libreng bodega na pag-aari ng Smartmatic sa Cabuyao, Laguna.
Nabatid na sinimulan ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng Comelec ang pagsasagawa ng pre-bidding conference para sa paghahanap ng naturang warehouse.
Apat na kompanya naman umano ang kaagad na nagpahayag nang pagnanais na makalahok sa bidding process na kinabibilangan ng: CTSI Logistics Philippines Inc., Smartmatic-TIM, Bodega Site at SSI Asia.
Batay sa inilabas na resolution 9486 ng Comelec en banc, inaprubahan nito ang P112 milyon na pondo para ipambayad sa taunang renta sa warehouse.
Ito ay kasunod nang nalalapit na pagkapaso ng libreng pagamit ng Smartmatic-TIM sa kanilang warehouse sa Cabuyao, Laguna hanggang sa katapusan ng Agosto.
Partikular na hinahanap ng Comelec ay warehouse na mayroong “configuration facilities” lalo na’t hindi pa tapos ang hardware at software testing ng mga PCOS machines.
- Latest
- Trending