DENR chief kinastigo ni PNoy
MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ni Pangulong Aquino si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje kung bakit pinayagan ng huli ang pag-imbak ng mga uling sa Manila Harbour Centre gayung nakakasama ito sa kalusugan.
Ito’y matapos ibunyag ni AGHAM Party list Rep. Angelo Palmones, na gabundok umanong mga uling ang naka-stock ngayon sa Harbour Centre Port Terminal at Manila Harbour Centre, na nagbibigay ng polusyon sa hangin at tubig lalu na sa Manila Bay.
Isa umano itong paglabag sa Supreme Court writ, hinggil sa pagbibigay ng proteksiyon sa baybaying dagat.
Napag-alaman na binigyan ng Environmental Clearance Certificate (ECC) ng DENR ang pag-stockpile ng mga uling na may 40,000 metriko tonelada, na inisyu naman ng DENR National Capital Region Environmental Management Bureau.
Ang uling ang itinuturing na pinakamaruming fuel na ginagamit sa pagpapatakbo ng isang power plant.
Ipinasa naman umano ni Paje ang responsibilidad sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), dahil ayon dito jurisdiction nito ang pangangalaga ng Manila Bay.
- Latest
- Trending