MANILA, Philippines - Muling inihain ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang pagti-text habang nagmamaneho.
Sa Senate Bill 872 na unang inihain ni Estrada noong 14th Congress pero hindi naging batas, sinabi nito na mahalagang maparusahan ang mga driver na nagte-text habang nagmamaneho lalo pa’t nagiging sanhi ito ng aksidente.
Muling inihain ni Estrada ang panukala matapos bumangga sa railing ng EDSA-Ortigas flyover kamakailan ang isang bus kung saan ilang pasahero ang nasaktan at nagdulot pa ang aksidente ng matinding traffic sa nasabing lugar.
Napaulat na nagte-text ang driver ng bus habang nagmamaneho.
Kung magkakaroon aniya ng partikular na batas na magpaparusa sa mga abusadong driver na nagte-text habang nagmamaneho ay tiyak na iiwasan ng mga ito ang nasabing gawain.
Nakasaad sa Section 3 ng panukala na maari lamang gamitin ang mobile phones habang nagmamaneho kung mayroong “hands-free accessories” na nakakonekta sa telepono.
Ang mga lalabag sa panukala sa sandaling maging isang ganap na batas ay pagmumultahin ng P3,000 sa unang offense, P5,000 sa ikalawang offense at multang hindi hihigit sa P10,000 o pagkabilanggo ng isang taon sa ikatlong paglabag.