Pagbawi sa lisensiya ni Hayden Kho pinagtibay ng CA
MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Court of Appeals ang ginawang pagbawi ng Professional Regulation Commission (PRC) sa medical license ni Hayden Kho.
Sa 17-pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon, ibinasura ng CA Eighth Division ang petisyon ni Kho na humihiling na baligtarin ang desisyon ng PRC na may petsang Agosto 22, 2011 sa kasong administratibo na laban dito.
Si Kho ay nauna nang hinatulan ng guilty ng PRC sa kasong immorality, dishonorable o unethical conduct makaraan nitong katigan ang desisyon ng Board of Medicine laban kay Kho noong Nob. 20, 2009 at Pebrero 8, 2010.
Ito’y bunsod ng kasong administratibo na isinampa ng actress na si Katrina Halili noong 2009 dahil sa pagpapakalat ni Kho ng kanilang sex video Sinabi ni Halili na hindi hiningi ni Kho ang kanyang permiso para kuhanan ng video.
Kinilala ng CA, ang kapangyarihan ng PRC na magsuspindi at magkansela ng certificate of registration at professional license. Hindi binigyan ng bigat ng CA ang argumento ni Kho na ang pagvideo tape at pagkalat ng video kaugnay ng pagtatalik nila ng aktres na si Halili ay hindi sapat na batayan para makansela ang kanyang lisensya dahil wala naman itong kinalaman sa kanyang propesyon.
Iginiit ng CA na ang immoral conduct ay hindi naman kinakailangang direktang kunektado sa pagpractice ng medisina.
- Latest
- Trending