MANILA, Philippines - Mahigit sa dalawang milyon bakawan o mangrove ang itinanim sa iba’t ibang coastal areas sa Quezon upang malabanan ang patuloy na paglala ng climate change.
Pinangunahan ni Quezon Governor David “jay-jay” Suarez ang paglulunsad ng “Quezon’s 2 in 1” o ang pagtatanim ng 2 milyon bakawan sa loob lamang ng isang araw sa may 1,066 kilometrong coastal area ng lalawigan ng Quezon kabilang na dito ang baybayin ng Tayabas Bay, Lamon Bay at Ragay gulf.
Ang nasabing programa ay nilahukan ng mga opisyal at residente mula sa 34 munisipalidad ng lalawigan at mga opisyal mula sa ibat ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), LIga ng mga Barangay, Sangguniang Kabataan, DSWD, National Commission on Indigenous People at Kalipunan ng Liping Pilipina.
Ayon kay Suarez, ang pagtatanim ng mangrove ay makapipigil sa posibleng pagguho ng lupa gayundin mapoprotektahan nito ang marine ecosystem dahil dito maninirahan at nagpaparami ng mga isda.
Maglalaan naman ng P300,000 si Suarez sa barangay na mapipili dahil nakapagpalago ang mga ito ng bakawan o mangrove.