Takbo ng isip ng mga Pinoy nagbago, ayon sa Palasyo
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki kahapon ng Malacañang sa anibersaryo ng ikalawang taon sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III na nagbago ang mindset o takbo ng pag-iisip ng mga Pilipino simula nang magpalit ng administrasyon.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, maituturing na pinakamalaking natamo ng administrasyon ang pagbabago ng isip ng mga Pilipino dahil ngayon ay mas bukas na ito sa reporma sa pamahalaan.
Sa halip aniya na oppressor ang tingin ng mga mamamayan sa pamahalaan ay naging isang ka-partner. “Mas open na po doon sa mga isinusulong na reporma ng pamahalaan; mas nakikisangkot po ’yung ating mga kababayan hindi lang sa pamamagitan ng internet kundi nakikita po natin ’yung ilang lebel ng pakikisangkot na nagpapakita ng pagbabago. Tinitignan na ang pamahalaan bilang kabalikat at hindi isang mapang-api,” paliwanag niya.
Pero maituturing aniyang “biggest setback” naman ang marami pang dapat pero halos apat na taon na lamang ang natitira sa termino ng Pangulo.
Kasabay din ng pagdiriwang ng ikalawang anibersaryo ng Pangulo sa Malacañang ay inilunsad ng Communications Group ng Palasyo ang inaugural timeline sa government website kung saan makikita na ngayon sa official gazette ang bagong banner, inaugural speech ng Pangulong Aquino at mga nakaraang presidente ng bansa.
Dito umano malalaman kung natupad ang mga sinumpaang tungkulin ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon.
- Latest
- Trending