Santiago, Drilon nominado sa CJ
MANILA, Philippines - Nadagdag sa listahan ng Judicial and Bar Council (JBC) sa mga nominado sa pagiging Chief Justice ng Korte Suprema sina Senator Miriam Defensor–Santiago, Franklin Drilon at dating Ombudsman Simeon Marcelo.
Noong 2006, ang senadora ay inirekomenda ng isang grupo ng mga kabataang abogado sa nabanggit na posisyon bilang kapalit ni CJ Artemio Panganiban ngunit hindi siya napabilang sa short list ng mga kandidato.
Si Santiago ay inirekomenda ngayon sa JBC ng isang Victor del Rosario mula Biliran.
Si dating Ombudsman Marcelo naman ay unang na-nominate noong 2010 para humalili sana sa nagretirong si Chief Justice Reynato Puno.
Ito naman ang kauna-unang pagkakataon na inirekomenda si Sen. Frank Drilon, kilalang kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino, para sa pinakamataas na puwesto sa sangay ng hudikatura.
Sa kasalukuyan, 60 na ang nominee at mga aspirante bilang Chief Justice, 1 rito ay tumanggap na ng nominasyon.
- Latest
- Trending