DA nakatutok sa pangangailangan ng magsasaka
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala na kaya palagi siyang wala sa kanyang opisina ay dahil lagi niyang kasama ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka sa bansa at inaalam kung ano ang kanilang problema at maaaring ibigay na suporta at tulong sa kanila ng gobyerno.
“Mas maganda na personal kong kasama at kausap ang mga magsasaka para agad kong maaksyunan ang kanilang problema, kasi kung dadaan pa sa mga regional at provincial directors ang kanilang suliranin ay posibleng matagalan pa bago maaksiyunan,” ani Alcala.
Gayunman, hindi naman umano napapabayaan ng kalihim ang kanyang mga gawain sa kanyang tanggapan dahil sinasalo ito ng kanyang undersecretary na si Antonio Fleta na siyang kanyang inatasan na mangasiwa sa lahat ng trabahong pang-opisina habang wala siya at kasama ng mga magsasaka.
Madalas na kasa-kasama ni Alcala si National Irrigation Administration (NIA) chief Antonio Nangel sa paglilibot sa iba’t ibang grupo ng mga magsasaka upang masiguro ang maayos na mga patubig sa buong bansa.
Giit pa ni Nangel, wala raw plano si Alcala na baguhin ang kanyang estilo sa pagtatrabaho dahil ito raw ang pinaka-epektibong paraan para masunod ang kanilang target na food security at rice sufficiency ng bansa sa 2013.
- Latest
- Trending