MANILA, Philippines - Nais ni DILG Sec. Jesse Robredo na huwag nang papasukin sa bansa ang Jordanian journa list na si Baker Abdulla Atyani sa sandaling lumutang na ito matapos ang kanyang ‘mission impossible’ sa Sulu.
Sinabi ni Sec. Robredo sa Malacañang reporters sa Davao City, may kontak na sila kay Atyani at tiniyak ng dayuhang reporter na ‘safe’ daw sila sa kamay ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Inako din ni Atyani ang responsibilidad sa kanyang isinamang tv crew na sina Ramelito Vela at Roland Letrero.
Nais makapanayam ng dayuhang mamamahayag si Abu Sayyaf Commander Yasser Igasan kaya ito pumanik sa ‘pugad’ ng bandidong grupo. Nainterbyu na rin dati ni Atyani ang yumaong terrorist lider na si Osama bin Laden.
Sinabi pa ni Robredo na nilinlang ni Atyani ang mga lokal na awtoridad matapos itong magtungo na naman sa kuta ng Abu Sayyaf na hindi nagpaalam at nakipagkoordinasyon sa mga awtoridad sa isasagawa nitong ‘documentary report’ hinggil umano sa terorismo.
“There was an element of deception. If you imperil yourself and create problems for us, I think you should not be allowed in the country again,” ani Robredo na sinabi pang inilagay rin ni Atyani sa panganib ang buhay ng dalawang Pinoy crew.
Siniguro din ni Robredo na kapag lumutang na si Atyani ay hihilingin niyang i-ban na ito sa pagpasok sa Pilipinas dahil sa ‘gulo’ na ginawa nito. (Rudy Andal/Joy Cantos)