Dolphy kritikal na!
MANILA, Philippines - Nasa bingit ngayon ang buhay ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon makaraang ituring ng mga manggagamot sa Makati Medical Center na nasa “very critical condition” na ito dahil sa pagbigay na ng mga “vital organs” nito.
“It can happen anytime. The doctors have been very truthful to us, although walang oras pa na ibinibigay. Sa ngayon his vital signs are stable, pero it can change anytime,” ayon sa anak nito na si Eric Quizon, itinalagang tagapagsalita ng pamilya Quizon.
Sinabi nito na partikular na binabantayan ng mga doktor ngayon ang “kidney” ng kanyang ama na maaaring bumigay anumang oras habang ibinalik na ito sa machine ventilator. Isinailalim na rin sa blood transfusion ang pasyente na mula naman sa donasyon ng mga anak nito at mga apo.
Kabilang naman sa pinagdidiskusyunan nilang mga kapamilya at mga doktor ni Dolphy ay kung isasailalim ito sa “dialysis” kung makakayanan pa ng katawan nito.
Idinagdag ni Eric na makaraang malaman na may sakit na “chronic obstructive pulmonary disease (COPD)” ay isa-isa nang isinaayos ng Comedy King ang lahat ng problema at lahat ng dapat isaayos bago ito tuluyang naratay sa pagamutan.
Ang COPD ay isang sakit sa baga kung saan nahaharangan ang natural na daloy ng hangin at labis na nakamamatay. Mistulang kahalintulad umano ito sa kanser kung saan nadebelop na ito sa “toxic metabolic encephalopathy” o maaaring humantong sa pagkalason ng dugo.
Nagtipon-tipon na ngayon ang mga malalapit na kapamilya ni Dolphy sa pagamutan habang hindi naman umaalis sa tabi nito ang kinakasamang si Zsazsa Padilla. Nasabihan na rin nila ang mga kaanak sa Estados Unidos ukol sa kalagayan ng pinuno ng angkan ng mga Quizon.
“Like everyone else in the family, she (Zsazsa) is very devastated. But still we are holding on,” dagdag ni Eric.
Nanawagan naman ng dasal si Eric sa lahat ng tagahanga ni Dolphy na magseselebra ng kanyang ika-84 kaarawan sa Hulyo 25.
Bilib pa rin umano siya sa ama dahil sa nalagpasan na nito ang 10 sakit na pneumonia bukod pa sa sumailalim na ito sa isang kidney bypass.
- Latest
- Trending