Witness vs GMA pinaaaresto
Manila, Philippines - Pinaaaresto na ng Pasay City Regional Trial Court ang dating election officer ng Maguindanao na si Rusam Mabang makaraang hindi sumipot sa witness stand at tuluyan nang magtago kaugnay ng pagiging testigo sa kasong electoral sabotage laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Felda Domingo, tagapagsalita ng Pasay RTC branch 112, kailangang managot si Mabang dahil sa pagkabigong makipagtulungan sa korte sa kabila ng inilabas na subpoena kung saan dapat sasalang ito sa witness stand nitong nakaraang Mayo 31.
Matatandaan na inihayag ni Comelec lawyer Ma. Juana Valeza kay Pasay City RTC Judge Jesus Mupas ang pagkawala ni Mabang isang araw bago ang pagsalang nito sa witness stand. Natagpuan naman ito makaraan ang isang linggo ngunit ayaw ng maging testigo ng Comelec laban sa dating Pangulo.
Napag-alaman na si Mabang ay nakauwi na sa Maguindanao at hindi na nakikipag-ugnayan sa Comelec.
Sinabi naman ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na wala na silang interes na gawing testigo si Mabang makaraan ang pagtatago nito.
- Latest
- Trending