7 'hao siao' sa BOC pinahuli ni Biazon
MANILA, Philippines - Pitong hinihinalang miyembro ng isang sindikato at umano’y nasa likod ng mga illegal activities sa Bureau of Customs (BOC) ang nabuwag ng Customs authority sa pamumuno ni Commissioner Ruffy Biazon.
Ang pito na nagpapakilalang mga kawani ng BOC ay nakumpiskahan ng pekeng ID ng BOC Commissioners Office at computers. Ang dalawa sa pito ay broker ng Jade Brothers Brokerage.
Naniniwala si Biazon na may protector na taga-Customs ang mga naaresto ‘pagkat may sarili pang opisina sa bakuran ng Aduana ang sindikato.
“Mukhang matagal na silang kumikilos dito pero nang malaman natin ay pinabuwag ko agad,” ani Comm. Biazon.
Iniutos na ng dating kongresista ang pagsasampa ng kaso sa mga nahuli tulad ng usurpation of authority gayundin ang pagtukoy kung sino ang kanilang lider.
Ang modus ng sindikato ay makipagtransaksyon sa mga importers/ brokers kung gusto nilang makapagpalusot ng mga epektos o kargamento.
Nauna rito, maaalalang ipinadakip din ni Biazon ang isang Nilo Peñaflor na nagpapakilalang broker sa BOC.
Nalaman ni Biazon na ginagamit ni Peñaflor ang kanyang opisina at nagpapakilala pa itong kaanak ng komisyoner habang gumagawa ng iligal.
Hindi muna isiniwalat ang kanilang pangalan para hindi mabulabog kung sino man ang kanilang ginagamit na patron sa BOC.
Ang hakbang ni Biazon ay patunay na nililinis niya ang Aduana laban sa mga tiwali at pekeng kawani sa BOC para masawata ang mga ismagler sa pagtatangkang dayain sa buwis ang pamahalaan.
- Latest
- Trending