Pagpili ng CJ 'wag itulad sa 'Idol'
MANILA, Philippines - Nagbabala si Sen. Ralph Recto na hindi tulad ng American Idol (AI) ang pagpili ng susunod na Supreme Court Justice.
Ayon kay Sen. Recto, ang isang televised public selection sa bagong punong mahistrado ay makakapag-alis ng konsentrasyon ng mga miyembro ng Judicial Bar Council (JBC) na siyang inatasang papalit sa pinatalsik na si Chief Justice Renato Corona.
“Let us not, please, turn the search for the next CJ as if the applicants are candidates vying for the title of the next ‘American Idol’ or the new Ms. Universe, The JBC must be allowed to do its work with little distraction and away from too much klieg lights,” ayon kay Recto.
Aniya, sagrado ang komposisyon ng JBC at kaya ito binuo dahil kakatawanin nito ang mahigit 100 milyong Filipino kaya’t dapat na ang pagpili sa susunod na chief justice ay walang moro-moro at walang nagkikislapang mga kamera.
Nauna ng ipinanukala na dapat maging bukas sa publiko ang JBC sa pagpili ng susunod na chief justice.
Tutol din si Recto sa panukala na dapat ay pumirma ng “waiver” sa kanilang mga bank accounts at iba pang ari-arian ang mga kandidato dahil sa halip na marami ang magiging kandidato ay mababawasan ito.
- Latest
- Trending