Amyenda sa AMLA aprub ng Senado
MANILA, Philippines – Puwede nang buksan ang bank accounts kahit walang permiso ng depositor nito.
Ito’y matapos aprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Layon ng Senate bill 3009 ni Sen. TG Guingoina na malaman ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung ang pera nito ay ginagamit sa pagpondo sa mga terorista.
Binibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang korte hindi lamang ang Court of Appeals upang magpalabas ng freeze order.
Inaprubahan din ng Senado sa ikalawang pagbasa ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na iniakda din ni Sen. Guingona.
Magugunita na posibleng ma-blacklist ng Financial Action Task Force (FATF) ang Pilipinas kapag hindi ito nakasunod sa May 2012 deadline upang malabanan ang money laundering at anti-terrorist financing sa pamamagitan ng pag-amyenda sa AMLA.
Samantala, iminungkahi naman ni Albay Rep. Al Francis Bichara na pagbawalan ang lahat ng mga taga gobyerno na magkaroon ng foreign currency deposit kung ipipilit na amyendahan ang Foreign Currency Deposit Act (FCDA) upang targetin lamang ang madaling pagbubukas ng foreign currency deposit ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Umalma ang kongresista dahil parang nawalan na umano ng tiwala ang publiko sa lahat ng taga gobyerno matapos ang conviction ni dating Chief Justice Renato Corona.
Nilinaw ni Bichara na kung magkakaroon umano ng espisipikong batas na magbabawal sa mga taga gobyerno na magkaroon ng foreign currency deposit ay mababawasan pa ng trabaho ang Ombudsman.
Dahil dito kayat pinag-iingat din ng mambabatas ang kongreso sa pag-amyenda at pagpapalawig ng mga probisyon ng FCDA dahil posibleng makaapekto umano ito sa interes ng pribadong sektor.
Dahil kung marami umanong dollar deposits ang mga negosyante at maiipit sila sa imbestigasyon ay posibleng makadiskaril umano ito ng mga negosyo. (Dagdag ulat ni Butch Quejada)
- Latest
- Trending






















