Terminal fee isasama sa airline ticket
Manila, Philippines - Inaasahang mapapabilis na ang proseso ng pagbiyahe sa mga paliparan sa bansa makaraang maisapormalisa na ng Deparment of Transportation and Communications (DOTC) sa mga pangunahing airline companies na isama na ang terminal fee sa kabuuang babayaran sa isang airline ticket.
Dahil dito, isang pila ng mga pasahero ang mababawas sa mga paliparan kaya inaasahan na mapapabilis ang proseso ng mga bumibiyahe.
Pumirma na sa Memorandum of Agreement (MOA) sina DOTC Secretary Mar Roxas, mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) at mga opisyal ng mga airline companies sa pangunguna nina Air Philippines president Inigo Zobel; Cebu Air, Inc. president Lance Gokongwei; Philippine Air Lines president Ramon Ang; Seair Inc. president Avelino Zapanta; Sky Pasada president Ramon Guico III; at Zest Air president Alfredo Yao.
Magiging epektibo ang bagong sistema para sa domestic flights sa darating na Agosto 1, ayon kay Roxas.
Nagpasalamat naman si Roxas sa pakikipagkooperasyon ng mga pinuno ng mga airline companies na una nang ibinasura ang panukala dahil sa problema umano sa pagtukoy ng eksaktong halaga bunsod ng pagbibigay ng mga eksempsyon ng pamahalaan sa ilang uri ng pasahero.
- Latest
- Trending