MANILA, Philippines - Sa kabila ng kilos-protesta, tuloy pa rin ang concert ng international “Pop Diva” na si Lady Gaga sa Mall of Asia sa Pasay City.
Ito’y makaraang walang ilabas na suspensyon o ban si Pasay City Mayor Antonino Calixto sa naturang concert ngunit naglabas lamang ng mga panuntunan na kinakailangang sundin ng mga producers ng naturang event.
“We reminded the producers of Lady Gaga’s concert that the show and the event as a whole shall not exhibit any nudity or lewd conduct which may be offensive to morals and good customs,” ani Mayor Calixto.
Matatandaan na nitong Biyernes, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong Biblemode Youth Philippines na humihiling kay Calixto na kanselahin ang naturang konsyerto. Nagsumite naman sina dating Manila Mayor Lito Atienza at Atty. Romulo Macalintal ng “Letter of concern” kay Calixto na nagpapaalala na maaaring lumabag sa Article 201 ng Revised Penal Code ang konsyerto kung hindi mababantayan ng pamahalaang lokal.
“Although we respect the artistic and musical expressions, I won’t allow anyone or any group to provide acts which may be questionable in a way at any venue under my jurisdiction,” pagtitiyak naman ni Calixto.
Partikular na tinututulan ng mga konserbatibo ang pag-awit at performance ni Lady Gaga ng kanyang single na “Judas” na labis umanong yumuyurak sa pangalan ng Panginoon at nanghihikayat lalo na sa kabataan ng kasamaan kabilang ang prostitusyon.
Bumuo na si Calixto ng “inspection team” sa pangunguna ng kanilang legal officer na nasa lugar ng konsyerto sa Mayo 21-22 at handa umano na ipatigil ang show kung lalabag ang mga producers nito sa kasunduan.