Tangkang pagtungo ni Faeldon sa Scarborough pinigil ni PNoy
MANILA, Philippines - Naudlot kahapon ang planong pagpoprotesta ng 16-man team ni dating Marine coup plotter ret. Captain Nicanor Faeldon sa Scarborough Shoal matapos na pakiusapan ni Pangulong Aquino na huwag ng ituloy ang pagtungo sa teritoryong pinag-aagawan ng China at Pilipinas.
Ayon kay Keith Guerrero, spokesman ni Faeldon, pagsikat ng araw kahapon ng umaga ay handa na sana ang kanilang grupo sakay ng mga bangka para maglayag patungo sa Scarborough.
Gayunman, biglang dumating ang tropa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) at hinarang ang grupo ni Faeldon kasama ang mga media at ilang mga mangingisda sa baybayin ng Masinloc, Zambales.
Ilang saglit pa ay biglang tinawagan ni PNoy si Faeldon at pinakiusapan ito na huwag ng ituloy ang protesta sa Scarborough upang hindi ito makahadlang sa isinasagawang back channeling sa negosasyon ng China at Pilipinas upang maayos ang sigalot.
Sinabi ni Guerrero na ang plano nilang pagtungo sa lugar ay upang ipakita sana ang kanilang pagsuporta sa Pilipinas at mamamayan nito na pag-aari ng bansa ang Scarborough Shoal.
Taliwas naman sa mga unang napaulat ay wala umano silang planong magtarak ng bandila ng Pilipinas sa Scarborough dahil lalo lamang itong magpapalala sa tensyon.
Maghihintay na lamang sila ng tamang panahon upang muling ituloy ang kanilang planong pagtungo sa Scarborough Shoal.
- Latest
- Trending