MANILA, Philippines - Handang tumestigo si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa impeachment court sa Senado kung siya ang isa sa magiging dahilan para maliwanagan ang usapin sa sinasabing $10 milyong deposito ni Chief Justice Renato Corona.
Kahapon ay nagpalabas na ng subpoena ang impeachment court laban kay Morales at apat pa na sina Akbayan Rep. Walden Bello, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, Emmanuel Santos at Harvey Keh.
Pinahaharap sila sa Lunes, Mayo 14.
Ang pagpapatawag sa mga nabanggit ay isa sa kahilingan ng depensa bago maiharap dito si CJ Corona na nagsasabing nais na ding humarap sa paglilitis ng korte.
“Yes, I issued the subpoena today,” pagkumpirma ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Inatasan din ang mga nabanggit na personalidad na dalhin sa kanilang pagharap sa impeachment court ang orihinal na kopya at certified true copies ng kanilang reklamo laban kay Corona.
Ipinaliwanag pa ni Enrile na bagaman at isang mambabatas si Bello kung saan dapat igalang ang tinatawag na inter-parliamentary courtesy mistulang ini-waive na umano nito ang nasabing pribilehiyo ng tumayong isa sa mga complainant laban kay Corona. (Angie dela Cruz/Malou Escudero/Butch Quejada)