Tulong sa global warming. 1.5-M puno itatanim ng DA at NIA
MANILA, Philippines - Dahil sa tindi ng epekto ngayon ng climate change sa ating bansa, maging ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) ay tutulong na rin para maibsan ang mga problemang dulot ng global warming sa pamamagitan ng pagtatanim ng isa’t kalahating milyong puno sa loob ng tatlong taon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay NIA Administrator Antonio Nangel, kalahating milyong puno ng mga prutas ang itatanim ng pinagsanib na puwersa ng NIA at DA mula Luzon hanggang Mindanao sa darating na June 8, ang araw kung saan ginaganap ang nationwide tree planting activity.
Bagamat hindi nila mandato, sinabi ni Nangel, “this is our small contribution to mother nature by preserving our forest for generations to come”.
Hinikayat naman ni DA Secretary Proceso Alcala ang lahat na magtanim ng kahit isa o dalawang puno man lang sa kanilang bakuran para makatulong mapalamig ang ating mundo na unti-unti ng nasisira ang kalikasan dahil sa global warming.
Ani Alcala, “global warming should be everyone’s concern, therefore, we should contribute something to slow down its damaging effects to our world. One of which is by planting trees”.
Napag-alaman na sa kalahating milyong puno ng mga prutas tulad ng bayabas, santol, at mangga ay itatanim sa Pantabangan Dam watershed sa Nueva Ecija habang ang natitirang bilang ay itatanim sa iba’t ibang dam sa bansa sa naturang araw din.
- Latest
- Trending