MANILA, Philippines – Binatikos ng National Press Club (NPC) at Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang panukalang batas sa Kamara na itaas ang multa o parusa ng libelo sa bansa.
Sa House bill 5835 ni Rep. Allan Jay Velasco (Lone District, Marinduque) bukod sa Prision Correcional o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang apat na taon ay multang P16,000 hanggang P480,000 o parehong ipapataw ito sa akusadong napatunayang nagkasala ng libelo.
Base kasi sa article 355 ng Revised Penal Code, may kulong na prision correcional o multang P200 hanggang P6,000 o puwede ring parehong ipataw ito sa mapapatunayang nagkasala kaya’t layunin nang panukala na baguhin na ito.
Salag ng opisyal, noon pa kasing 1930 pinagtibay ang kasalukuyang batas kung kaya’t ‘di na raw angkop ang presyo ng multa nito sa kasalukuyang panahon.
Kabilang sa saklaw ng batas na maaring maparusahan ng libel ay ang printing, engraving, radio, pornograph, painting, theatrical exhibition, cinematographic exhibition, o ang alinmang kahalintulad ng mga ito.
Tindig naman ni NPC president at ALAM Chairman Jerry Yap,”anti-press freedom” ang aksyong ito ng mambabatas kung kaya’t mariin nila itong tinututulan at tutulan pa sa mga susunod pang panahon.
“Iminumungkahi nga namin na mawala na ‘yang mga piyansa-piyansa na ‘yan sa libel eh, sa halip na mawala pala lalo pa palang ididiin nitong si Velasco!” banat ni Yap.
Upak naman ni NPC Director Joel Egco, dapat pa ngang idecriminalize ang libel dahil nagiging proteksyon daw ito sa mga korap.