Abogado ng CHR ipinakulong ng korte
MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Commission on Human Rights (CHR) na isang abogado nito ang hinatulang mabilanggo ng korte dahil sa pamemeke ng kanyang daily time record.
Sa dokumentong ipinadala sa CHR head office, nakasaad dito na guilty sa siyam na bilang ng falsification of public documents si Roberto Ferrer, Attorney 4 ng CHR na nakatalaga sa San Fernando, Pampanga.
Sa hatol ni Judge Mary Anne Padron-Rivera ng branch 46 ng San Fernando RTC, ipinakukulong si Ferrer ng apat hanggang walong taon at pinagmumulta ng P5,000 para sa bawat isa ng siyam na bilang ng kaso nito.
Batay sa impormasyon ng kaso, nagpa-private practice si Ferrer kahit sa araw at oras ng opisyal na trabaho nito sa CHR. Sa tuwing dadalo ito sa hearing ng hinahawakang kaso, nagta-time in ito sa kanyang opisina at babalik sa hapon para mag-time out uli.
Ayon sa korte, maaari namang mag-private practice ang abogado ng CHR pero kailangang may otorisasyon ito at hindi masasagasaan ang trabaho sa komisyon.
Pero sa kaso ni Ferrer, wala na itong otorisasyon ay pineke pa ang daily time record para palabasing pumasok din ito sa opisina.
- Latest
- Trending




















