IBP bahala sa disbarment vs De Lima, Lacierda - SC
MANILA, Philippines - Ipinauubaya na ng Korte Suprema sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang disbarment case na isinampa ng abogadong si Agustin Sundiam laban kina Justice Secretary Leila de Lima at Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sa en banc session ng Korte Suprema, inatasan ng mga mahistrado ang IBP na magsumite ng ulat at rekomendasyon sa nasabing kaso.
Nag-ugat ang usapin sa diumano’y pagbibitiw ng mga hindi magagandang salita o contemptuous remarks ng dalawang kalihim laban kay Chief Justice Renato Corona.
Nabatid na inulit at sinang-ayunan nina de Lima at Lacierda ang mga masasakit na salita ni Pangulong Noynoy Aquino sa nakaraang National Criminal Justice Summit noong Disyembre kung saan ay nalabag umano nila ang Lawyer’s Oath, Code of Professional Responsibility at ang umiiral na Rules of Court.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Midas Marquez, ang IBP ay may sariling committee on bar discipline na maaaring magsagawa ng imbestigasyon kung kinakailangan.
Binigyang diin pa ni Marquez na nasa Korte Suprema ang ang pagpapasya kung kakatigan o ibabasura ang rekomendasyon ng IBP.
- Latest
- Trending