Diplomatic protest ng PHL vs China isinantabi
MANILA, Philippines - Dahil sa nagaganap na negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at China, pansamantalang isinantabi muna ng pamahalaan ang paghahain sa United Nations ng diplomatic protest laban sa China bunsod sa nagaganap na stand-off sa Scarborough Shoal sa Zambales.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, naka-hold muna ang pormal na paghahain ng protesta laban sa China dahil sa panghihimasok sa Scarborough o Panatag Shoal habang masinsinan ang ginaganap na pag-uusap sa pagitan nina Foreign Affairs Secretray Albert del Rosario at Chinese ambassador to Manila Ma Keqing.
Ayon kay del Rosario, kagabi itinakda ang muling pulong nila ni Keqing upang makapagpalabas ng resolusyon hinggil sa nagaganap na tensyon sa pagitan ng mga Chinese vessels at Phl troops sa Scarborough.
Sinabi ni del Rosario na magandang senyales din ang ipinakita ng China matapos na iatras nila ang isa sa kanilang barko kahapon kasunod ng pag-pull out ng pamahalaan sa BRP Gregorio del Pilar ng Philippine Navy na unang nakipaggiriian sa 10 Chinese vessels kabilang na dito ang dalawang Marine Surveillance ships.
Bagaman ‘status quo’ umano ang sitwasyon sa Scarborough ay hindi pinapayagan ang magkabilang panig na magkaroon o umabot sa madugong engkuwentro ang tensyon sa nasabing shoal.
Bunsod sa aksyon ng China na pag-atras ng isa nilang barko, bahagyang humupa ang tensyon sa Scarborough at inihayag ng Kalihim na patuloy ang diplomatikong pag-uusap upang ma-solusyunan ang nagaganap na iringan sa pinag-aagawang teritoryo.
Nilinaw naman na umatras ang BRP Gregorio dahil sa nawalan na ito ng suplay ng pagkain at langis. Dahil sa lumilinaw na negosasyon, hindi umano muna kailangang humingi ng tulong ang Pilipinas sa Estados Unidos.
Isa ang barko ng Pilipinas na naka-deploy ngayon sa Scarborough habang dalawang Marine ships at walong fishing vessels ang mula sa China
Nakatakda namang tumulak sa US at United Nations Security Council si del Rosario sa Linggo para sa umano’y ibang misyon.
- Latest
- Trending