Rocket launch ng NoKor uungkatin ni PNoy sa ASEAN

PHNOM PENH, Cambodia—Igigiit ni Pangulong Benigno Aquino III ang isyu ng planong rocket launch ng North Korea sa gaganaping 20th ASEAN Summit.

Sinabi ni Aquino sa isang ambush interview sa ginawang inspeksyon nito sa Cubao bus terminal, Pier 2 sa North Harbor at NAIA terminal 3 bago tumulak patungo dito para dumalo sa 20th ASEAN Summit, na ilalahad niya sa retreat ng leaders ng ASEAN ang posisyon ng Pilipinas ukol sa planong rocket launch ng North Korea.

Ayon kay Pangulong Aquino, dapat magkaroon ng nagkakaisang posisyon ang ASEAN ukol sa rocket launch na ito ng NoKor dahil apek­tado tayong lahat dito dahil hindi natin alam kung saan babagsak ang rocket debris.

Ipinahiwatig pa ng Pangulo na, kung nais ng NoKor na ituloy ang plano nito, huwag na itong magdamay ng ibang bansa.

Samantala, siniguro din ni ASEAN secretary-general Surin Pitsuwan na tatalakayin ng mga lider ang inihaing diplomatic protest ng Pilipinas ukol sa planong rocket launch ng North Korea.

Sinabi ni Pitsawan na sinimulan nang tala­kayin ng mga foreign minister sa kanilang pulong ang tungkol sa isyu ng rocket launch ng North Korea.

Muling nanawagan kahapon ang Pilipinas sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) o North Korea na huwag ituloy ang planong rocket launch sa pagitan ng Abril 12 hanggang 16.

Ayon sa statement na ipinalabas ng Department of Foreign Affairs, iginiit ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang posisyon ng Pilipinas na nananati­ling tutol sa anumang planong rocket launch ng North Korea.

Sinabi ni del Rosario na naninindigan ang Pilipinas kasama ang ibang  ASEAN Member States sa panawagan sa DPRK na huwag ituloy ang kanilang planong pagpapakawala ng satellite o rocket at sundin ang nakasaad sa  UN Security Council Resolutions 1874 at  1718 at suspindihin ang kanilang ballistic missile program at aktibidades.

Una nang sinabi ng DFA na ang plano ng North Korea na rocket launch ay hindi katanggap-tanggap.

Show comments