MANILA, Philippines - Naalarma ang isang mambabatas dahil sa pagtaas ng kaso ng pulmonary diseases sa mga driver ng taxi na gumagamit ng liquefied petroleum gas (LPG) bilang alternatibong gasolina.
Ayon kay Ang Kasangga Partylist Rep. Teodorico Haresco, maghahain siya ng resolusyon para hilingin ang pagkakaroon ng congressional intervention upang masiguro na ligtas ang publiko partikular na ang mga taxi service sa Metro Manila at karatig na urban areas.
Sinabi ng mambabatas na ang paglipat sa LPG bilang alternatibo sa paggamit ng gasolina at diesel ay nakatulong ng malaki sa operators at drivers, maging sa kalikasan dahil sa pagkabawas ng greenhouse gas emission.
Subalit marami na umano itong natatanggap na ulat na maraming taxi drivers lalo na ang mga gumagamit ng LPG ang nagkakasakit sa baga.
Giit pa ni Haresco, mahalaga na masiguro ng gobyerno na naipapatupad ng husto ang lahat ng safety measures at guidelines sa paglipat o conversion ng gasoline o diesel sa LPG.
Sa ginawang pag-aaral, kadalasan ang medical implications ng mahabang exposure sa LPG leaks ay pulmonary disease, na isang nakakahawang sakit na maaaring maihawa sa pamamagitan ng hangin.
Dahil dito kayat hinikayat nito ang Department of Health at Department of Transportation and Communication na magsagawa ng pag-aaral tungkol sa isyu para na rin sa interes ng kaligtasan ng publiko bukod pa dito ang dapat ay gawing regular ang inspeksyon ng mga LPG conversion kits na inilalagay sa taxi upang masigurong walang singaw ang mga ito.