P125 wage hike tinabla ng DOLE
MANILA, Philippines - Hindi umano rasonable para humirit ng P125 na umento sa sahod ang mga grupo ng manggagawa.
Ito ang pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Rosalinda Baldoz, na nagsabing batay sa pinakahuling inflation data, lumilitaw na ang pagtaas ng consumer prices ay hindi pa umaabot ng limang porsiyento, kung saan masasabing hindi pa rasonable ang wage adjustment.
Sinabi ni Baldoz ang ulat ng National Statistics Office (NSO) na nagpapakita na ang inflation rate ngayong Pebrero ay bumagal ng 2.7 percent.
Gayunman, ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang tinukoy lamang ng Kalihim ay ang inflation sa loob ng isang buwan.
Aniya, simula pa noong Hunyo ng nakaraang taon, ang presyo ng 11-kilo liquified petroleum gas (LPG) tank ay tumaas na ng P200.
Matatandaang humihingi ang TUCP ng P90-wage adjustment para sa mga manggagawa sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Gayunman, nagbabala na ang Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) na ang pagtataas ng sahod ay maaaring mangahulugan nang pagsasara ng ilang maliliit na negosyo sa bansa dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga presyo at pagbaba naman ng kanilang kita.
Iginiit naman ni Tanjusay na ang naturang pahayag ng ECOP ay isang pagtatangka lamang na i-blackmail ang mga manggagawa.
Paliwanag ni Tanjusay, maaari namang humingi ng exemption ang mga negosyo mula sa wage hike kung talagang hindi nila ito makakayanan.
- Latest
- Trending