MANILA, Philippines - Iaapela ng gobyerno sa korte ng China ang hatol na kamatayan na iginawad sa dalawang Pinoy (isang lalaki at isang babae) dahil sa pagpupuslit ng kilo-kilong heroin papasok sa nasabing bansa.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, inatasan na nila ang Philippine Consulate General sa Shanghai na asistihan ang dalawang Pinoy na sinentensyahan ng Hangzhou People’s Intermediate Court matapos na mapatunayang nagkasala sa kasong drug trafficking nang magtangkang ipasok ang 12 kilong heroin sa Hangzhou International Airport noong Enero 25, 2011.
Nabatid na pumasok ang dalawang Pinoy sa China mula Dubai via Hong Kong bitbit ang nasabing droga.
Ang lalaking akusado ay binigyan ng korte ng 2-taong reprieve habang ang Pinay ay hinatulan ng bitay na walang reprieve.
Iginiit ng DFA na nabigyan ng legal assistance o abogado ang dalawa habang kasagsagan ng pagdinig ng kanilang kaso.
“Their next of kin have also written letters of appeal that will be sent to Chinese authorities,” ani Hernandez.