Suporta ng PSN sa OFW na nasa death row 'di matatawaran
MANILA, Philippines - Malaki ang ginagampanan ng isang pahayagan, maliit man o malaki, upang maipabatid ang anumang impormasyon sa mga “Bagong Bayani” ng bansa, ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Silang mga nagigipit, minamaltrato, inaabuso, nahaharap sa kaso hanggang sa mga kababayang nakapiit, hinatulan at nakatakdang gawaran ng parusang kamatayan ay pilit na inaabot ng Pilipino Star NGAYON (PSN) upang maipaabot ang kanilang mga hinaing at kahilingang tulong mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga Embahada at Konsulado ng Pilipinas, Department of Labor and Employment, Overseas Workers Welfare Administration at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Isa na rito ang kontrobersyal na kaso ng OFW na si Rogelio “Dondon” Lanuza, architectural draftsman na nagtungo sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) noong Disyembre 1996 at nagtrabaho sa Aramco company upang maitaguyod at mabigyan ng magandang kabuhayan ang kanyang pamilya.
Si Lanuza na may 11 taon at pitong buwan nang nakakulong sa Dammam jail sa Saudi ay nahaharap sa parusang bitay sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo.
Bangungot para kay Lanuza na masadlak siya sa bilangguan dahil sa isang krimen noong Agosto 2000.
Sa pamamagitan ng makabagong text messaging system at mga networking sites ay nakakausap ko mismo si Dondon. Ayon sa kanya, napakalaking suporta sa kanyang pamilya ang ibinibigay na espasyo ng Pilipino Star NGAYON sa paglalathala ng kanyang mga panawagang makakalap ng P35 milyong blood money para sa inaasam nitong ‘tanazul’ o kapatawaran mula sa pamilya ng napatay nitong Saudi national.
“Mula po sa aming pamilya ay taos-puso po kaming nagpapasalamat sa inyong pahayagang ‘Pilipino Star Ngayon’ sa pamamagitan po ni Bb. Ellen Fernando na naging bahagi po sa aming kampanya para sa aking matagal nang minimithing kalayaan mula po sa kulungan dito sa bansang Arabo. Mabuhay po ang inyong pahayagan at nawa ay patuloy po kayong tumulong sa mga nangangailangan ng inyong tulong. Maraming salamat po,” pahayag ni Lanuza.
Una nang hiniling ng pamilya ng biktima ang 6 milyong Saudi Riyal (SAR) na napababa sa 3 milyon o tig-isang milyong SAR para sa tatlong menor-de-edad na anak na naiwan ng napatay na Saudi national.
Binigyan lamang ng tatlong buwan ang gobyerno na maipasa ang naturang blood money.
Pero nangangamba si Lanuza na magbago na ang isip ng naagrabyadong pamilya at bawiin ang kapatawaran na ibinigay sa kanya dahil sa kabiguang maibigay sa takdang oras ang hinihinging blood money.
Gayunpaman, malaki pa rin ang pag-asa niyang makuha ang kalayaan dahil ngayong Marso 2012, itinakdang tumungo sa Saudi ang maliit na delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Ambassador Antonio Villamor para sa inisyal na P6.5 milyon blood money para sa pamilya ng biktima.
Naging malaking tulong din sa pamilya Lanuza ang ambag ng mga kapwa OFWs.
Lalo pang naging matibay ang pag-asa ng pamilya Lanuza nang dumating sa kanila ang tulong mula sa isang philantrophist at Filipino-American lawyer na si Gng. Loida Nicolas-Lewis na siyang nangunguna ngayon sa kampanya sa New York, USA upang sagipin si Lanuza.
Nangako si Nicolas-Lewis na kilalang business leader sa Estados Unidos kay Gng. Lanuza, ina ni Dondon na sa bawat halagang piso na maibibigay ng sinumang tumulong ay tutumbasan nito ng doble.
Isa ring malaking tulong ang iniabot ng gobyerno sa pamamagitan ng DFA na 400,000 SAR.
“Nasa final stage na po ang pakikipag-ugnayan ng ating gobyerno sa Saudi Reconciliation Committee para sa aking paglaya,” masayang balita ni Lanuza na punung-puno ng pag-asa.
Sa kasalukuyan, nakatutok ang mga Filipino community sa pamumuno ni Nicolas-Lewis katuwang ang kaibigan at iba pang business leaders sa US sa pagkalap ng kakulangan sa blood money at target nila na sa susunod na buwan ay tuluyan nang masagip sa bitay si Lanuza.
Muling nanawagan si Lanuza sa mga indibiduwal lalo na ang mga nakakarangya at gustong tumulong na mag-log sa www.helpdondon.com upang mabuo na ang P35 milyon blood money.
“Patuloy po akong umaapela sa mga may magandang kalooban na tulungan po ako sa blood money. Sana po sina Sen. Manny Villar, Cong. Manny Pacquiao at TV host Willie Revillame na kilalang tumutulong sa mga nangangailangan ay mabigyan po ako ng kaunting pansin,” pagsusumamo pa ni Lanuza.
“At sa PSN, muli po maraming-maraming salamat at happy 26th anniversary. Pagpalain po lahat ang bumubuo ng Pilipino Star NGAYON, mabuhay po kayo,” ani Lanuza mula sa Dammam jail.
- Latest
- Trending