Polluters sa Taal Lake bilang na araw
MANILA, Philippines – Bilang na ang araw ng mga polluters sa Taal Lake matapos ipag-utos ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang mahigpit na pagpapatupad ng batas kontra sa pagtatapon ng basura at maruming tubig sa lawa.
Ayon kay Laudemir Salac, hepe ng Batangas Provincial Environment and Natural Resources Office, babantayang mabuti ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang mga naglalakihang subdivisions at resorts, lalo na ang mga babuyan o piggeries na nagtatapon umano ng maruming tubig sa mga ilog at sapa na tumutuloy sa lawa ng Taal.
Tinitingnan din ng Task Force Taal Lake na pinamumunuan ni Batangas Provincial Administrator Victor Reyes, ang kawalan ng sewerage system sa mga bayang nakapaligid sa lawa. Ang basura at maruming tubig mula sa mga industriya, kabahayan at babuyan ay ilan lamang sa mga tinitingnang sanhi ng naganap na malawakang fish kill sa Taal Lake nung nakaraang taon.
Nangako ng kooperasyon ang mga may-ari ng halos 6,000 fish cages sa lawa na handa silang makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang maiwasan ang fish kill na ibinibintang sa kanila.
Ayon kay Rodrigo Cacao, pangulo ng Taal Lake Aquaculture Alliance, Inc. (TLAAI), handa rin silang bantayan ang kanilang hanay kontra sa mapanirang fish farming methods na umano’y ginagawa ng ilang dayuhan sa kanilang lugar. Sinabi niya na ang naganap na fish kill noong nakaraang taon ay mula sa mga illegal fish cages na umano’y pag-aari ng mga dayuhang Intsik.
- Latest
- Trending