Viagra nangunguna sa mga pinepekeng gamot
MANILA, Philippines - Nangunguna umano sa mga pinepekeng gamot ngayon sa bansa ang sildenafil citrate o Viagra, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni FDA Director Suzette Lazo sa pagdinig ng Quality Affordable Medicine Oversight Committee ng Senado na pinamumunuan ni Senator Manny Villar na hindi lamang ang mga gamot sa asthma, hypertension at vitamins ang pinepeke kundi maging ang Viagra na pinaniniwalaang malakas ang demand sa mga kalalakihan.
Maging ang steroids umano ay kabilang na rin sa mga pinepekeng gamot.
Ayon pa kay Lazo, hindi madaling makita o mapuna na peke ang nabibiling Viagra dahil sa ginagamit na advance na teknolohiya sa pamemeke kaya halos walang pinagka-iba sa orihinal.
Madali na umanong magawa ang labas o lalagyan ng gamot maliban na lamang sa laman.
Kaugnay nito, sinabi ni Villar na panahon na upang amiyendahan ang batas tungkol sa pamemeke ng gamot upang mas maitaas ang parusa.
Ayon sa senador, maliwanag na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga taong gumagamit ng pekeng gamot.
- Latest
- Trending