75 Pinoy patay sa TB araw-araw
MANILA, Philippines - Umaabot sa 75 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa sakit na tuberculosis kaya nananatili ang Pilipinas sa ilalim ng World Health Organization (WHO) Watch List ng 22 bansa na may pinakamataas na problema sa TB.
Ayon sa DOH, ang TB ay ang pang-anim sa mga sakit na nangungunang sanhi ng mortality at morbidity sa Pilipinas.
Sa kabila naman nito, nilinaw ng DOH na batay sa kanilang pinakahuling istatistika, bumaba ang bilang ng TB mortality.
Nakamit na rin ng DOH ang 70 porsiyento ng TB Case Detection Rate at 85 porsiyento ng Treatment Success Rate sa mga bagong smear positive TB cases nitong nakalipas na anim na taon.
Batay naman sa 2010 National Tuberculosis and Control Plan (NTP) report ng CHD-MM Infectious Disease Cluster, may kabuuang 11,025 identified new smear positive TB cases at 9,102 dito ang nagamot na.
Ang kabuuang TB cases naman noong 2011 na sumasailalim sa evaluation at treatment ay aabot sa 37,203.
Kabilang sa limang pangunahing lungsod sa Metro Manila na may mataas na TB cases ay ang Quezon City (9,122), Manila (6,763), Caloocan (3,573), Valenzuela (2,177) at Taguig (2,100).
Ayon kay DOH Center for Health Development for Metro Manila (CHD-MM) Regional Director Eduardo Janairo, ang burden ng TB disease sa bansa ay bumaba nang i-adopt nila ang DOTS strategy noong 1996, gayundin ang Public-Private Mix DOTS (PPMD) approach sa TB management.
Umaasa si Janairo na dahil sa matatag na progreso at patuloy na kooperasyon ng lahat ng stakeholders sa public at private sector ay tuluyan nang masusugpo ang TB sa bansa hanggang sa taong 2050.
Iginiit pa nito na ang TB ay nagagamot at hinimok ang publiko na makiisa para labanan ito.
- Latest
- Trending