Pinay todas sa ambus sa Syria
MANILA, Philippines - Isang 23 anyos na overseas Filipino worker na nagmula sa Camarines Sur at kinilala sa pangalang Meran Prieia Montezor ang napatay sa isang pananambang ng isang armadong gang sa magulong bayan ng Homs sa Syria.
Ito ang inulat kahapon ng Department of Foreign Affairs na nagsabing, batay sa report ng Philippine Embassy sa Damascus, nakasakay sa isang kotse si Montezor at ang pamilya ng kanyang amo nang maambus sila noong Pebrero 24.
Iniulat ng Ministry of Foreign Affairs ng Syria sa Philippine Embassy noong Marso 12 na naganap ang pananambang bandang alas-11:00 ng umaga malapit sa isang kumpanya ng tela sa industrial district ng Homs.
Napatay sa mga tama ng bala si Montezor at ang alaga niyang bata at ang kanyang among Syrian, ayon pa sa isang ulat.
Kasalukuyan pang hinahanap ng mga awtoridad ng Homs ang mga suspek. Ilang linggo nang nagaganap ang mga karahasan sa naturang lugar kaugnay ng patuloy na rebelyon ng mamamayan doon laban sa kanilang pamahalaan.
- Latest
- Trending