Tiangco kay Gonzales: Kasuhan mo 'ko!
MANILA, Philippines - Hinamon ni Navotas Rep. Toby Tiangco si House Majority leader Neptali Gonzales II na magsampa ng reklamo sa House Ethics Committee kung inaakala umano nito na mayroon siyang nilabag na batas.
Ayon kay Tiangco, maraming sinasabi si Gonzales na nilabag niya ang alintuntunin ng Kamara kung saan lahat ng napag-usapan sa isang caucus ay hindi dapat ilabas sa publiko subalit hindi naman umano ito pinanumpaan o under oath.
Giit ng Kongresista, huwag ng hintayin pa ni Gonzales na iba ang maghain ng reklamo sa Ethics committe at sa halip ay pangunahan na nito ang pagsasampa ng reklamo.
Kung mayroon din umanong dapat na mapatalsik sa Kamara at ma-disbar ay walang iba kundi si Gonzales dahil sa pananakot sa isang testigo tulad niya.
Tiniyak naman ni Tiangco na handa nitong harapin ang anumang reklamo na ihahain laban sa kanya sa Ethics.
Samantala, naghain kahapon ng mosyon ang mga abogado ni Corona na humihiling sa impeachment court na i-cite for contempt si Gonzales dahil sa hayagan nitong pananakot na i-expel si Tiangco dahil sa pagtestigo sa korte tungkol sa nangyaring pagpasa ng impeachment complaint sa House of Representtives noong Dis. 12, 2011.
Ayon sa mosyon ng depensa, ang naging pahayag ni Gonzales laban kay Tiangco na boluntaryong humarap sa impeachment court ay isang uri ng pananakot.
Bukod kay Tiangco, pinagbantaan din umanong didisiplinahin at i-expel sina Reps. Crispin Remulla at Hermilando Mandanas.
Ayon pa sa mga abogado ni Corona, dapat pagpaliwanagin ng impeachment court si Gonzales kung bakit hindi ito dapat ma-cite for contempt dahil sa pananakot sa mga mambabatas na nais humarap sa korte. (Gemma Garcia/Malou Escudero)
- Latest
- Trending