MANILA, Philippines - Isang anak ng karpintero sa Batangas ang tatanggap ng Presidential Saber award bilang top 1 sa mga magsisipagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) sa Marso 18 na mapapabilang sa hukbo ng Philippine Army.
Sinabi ni Army spokesman Major Harold Cabunoc, si Cadet Tom Puertollano, 21, ay nanguna sa 102 incoming 2nd Lieutenants na lalahok sa may 80,000 malakas na puwersa ng Philippine Army matapos ang kanilang graduation ceremony sa Fort del Pilar, Baguio City.
“Cadet Puertollano is among the would-be Army officers who were received by Army Chief Lt. General Emmanuel Bautista at the Army headquarters after finishing their on-the-job training (OJT) at the 16th Infantry Battalion in Baras, Rizal last week,” ani Cabunoc.
Nabatid na sa kabuuang 187 miyembro ng PMA Bagwis Class of 2012, ay gagawaran ng Presidential Saber Award ni Pangulong Benigno Aquino III si Puertollano na tatanggap din ng Army Saber award mula kay Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Emmanuel Bautista.
Inihayag ni Cabunoc na si Puertollano ay mula sa mahirap na pamilya sa Lipa City, Batangas na nagsumikap sa buhay para makamit ang tagumpay at ikaapat na anak ng karpintero.
Bago pa pumasok sa PMA ay nagtinda pa si Puertollano ng kakanin tulad ng puto para makatulong na kumita ng pera sa kaniyang mga magulang para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.
Samantala, kabilang din sa magsisipagtapos ang kaisaisang babae sa top 10 na si Cadet First Class Angeline Esmeria ng Taguig City na nasa ikaapat na puwesto. Nabatid na may 19 babae sa mga magsisipagtapos ngayong taon.
Kabilang pa sa top 10 ng PMA Bagwis Class of 2012 ay sina Cadets First Class Jose Mari Cabrera ng Cebu City, pangalawa, mapapabilang sa Philippine Air Force; Lucien Jay Caiman ng Fort Bonifacio, Taguig City, 3rd; Jethro Olavidez ng Zamboanga Sibugay, 5th; Aron Lessler Regimen ng Tanauan, Batangas, 6th; Dyan Karl Cabigas ng Caloocan City, 7th; Fel Saguin ng Zamboanga del Sur, 8th; Rone Jo Manganaan ng Rosales, Pangasinan, 9th; at Christopher Juan ng Tagum City, ika-10 naman sa mga magsisipagtapos.