POEA nagbabala vs pekeng job offer sa e-mail
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) sa mga naghahanap ng trabaho abroad na mag-ingat sa pagtanggap ng mga alok ng trabaho na ipinapadala sa pamamagitan ng “electronic mail (e-mail)” na buhat umano sa mga internasyunal na kumpanya.
“When you post your resume to a job search site, you are opening your personal data to potential employers, and even scammers, so be careful,” ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac.
Sinabi pa nito na ang isang e-mail na agad na kino-congratulate ang isang aplikante na natanggap sa isang trabaho na hindi naman nito inaplayan ay maaaring isang “recruitment scam” kaya nararapat ang mga aplikante na maging mapanuri.
Kabilang sa mga e-mail na ipinapadala ay nangangako ng trabaho sa mga pagamutan o sa mga caregiving offices sa Canada at Estados Unidos na halos walang gastos maliban sa babayarang mga “medical tests” at “interview coaching”.
Isa sa mga scam na nadiskubre ng POEA ang paggamit ng isang grupo sa Fraser Health sa Canada. Nang berepikahin, itinanggi ng naturang kumpanya na nagpapadala sila ng e-mails para mag-recruit ng mga nurses. Gumagamit ang bogus na grupo ng e-mail accounts sa hushmail.com.
- Latest
- Trending