MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Chief Justice Renato Corona na handa siya sa anumang kahihinatnan ng kanyang kasong nakasampa sa impeachment court.
Ayon kay Corona, sa simula pa lamang ay handa na siyang humarap sa Senado upang maipakita ang katotohanan.
Aniya, anuman ang maging desisyon ng impeachment court ay malugod nitong tatanggapin.
Sinabi ni Corona na tiwala siya na ginagampanan naman ng mga senator-judge ang kanilang tungkulin.
Naniniwala ang chief justice na paiiralin ng mga senator-judge ang impartiality sa pagdinig
Sakaling siya ay ma-convict, magbibitiw siya sa kanyang tungkulin subalit kung mapapatunayang wala siyang kasalanan, ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang trabaho kabilang na ang pagpapatuloy ng pagbabago sa hudikatura.
Alas-2 ng hapon ngayon itutuloy ang impeachment hearing kung saan sisimulan na ng depensa ang paghaharap ng kanilang ebidensiya.