Anti-VAT bill inaamag sa Kamara
MANILA, Philippines - Binara ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño si Presidential Deputy spokesperson Abigail Valte dahil sa paghamon nito sa mga mambabatas na magsampa ng kinakailangang panukalang-batas na magpapawalambisa o magbabasura sa 12% value added tax sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Casiño na matagal na nilang isinampa sa Kongreso o noon pang Agosto 23, 2010 ang House Bill 2719 na magbabasura sa VAT na ipinapataw sa mga produktong langis
“Sa kasawiam-palad, inaalikabok na lang ito sa ways and means committee ng House of Representatives na pinangunguluhan ni Davao Rep. Isidro Ungab. Hinahamon namin si Rep. Ungab na pabilisin ang bill at suwayin ang kautusan ng Malacanang na bigyan ng prayoridad ang malalaking kumpanya ng langis habang binabalewala ang kapakanan ng mamamayan,” sabi ni Casiño.
Sinabi ni Casiño na, kapag nawala ang VAT, makakatipid ang mga konsyumer ng P6-P9 bawat litro sa kinokonsumo nilang gasoline at diesel. Mababawasan din anya ang presyo ng LPG o liquefied petroleum gas na nagkakahalaga na ngayon ng P800 bawat 11kg tank.
- Latest
- Trending