Whistleblower Act lusot na sa Kamara
MANILA, Philippines - Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Whistleblower Act na inaasahang magbibigay ng proteksiyon sa mga naglalantad ng katiwalian sa bansa.
Sa inaprubahang panukala, makakatanggap ng P100,000 hanggang P200,000 ang sinumang magbubunyag ng katiwalian sa anumang ahensiya ng gobyerno.
Maari pa itong madagdagan ng P50,000 hanggang P100,000 kapag naisampa ang kaso at nakumpleto ang kanilang testimonya sa korte.
Bibigyan din ng matinding proteksiyon ang mga whistleblower dahil hindi maaaring tanggalin ang mga ito sa kaniyang trabaho lalo na kung ang kanyang amo ang kanyang ibinunyag.
Magkakaroon din ng immunity sa kaso ang whistleblower dahil hindi ito maaaring kasuhan ng kasong paninira ng opisyal o sinumang tauhan ng gobyerno na kanyang ibinunyag lalo’t mapapatunayan ang kaniyang alegasyon.
Tiniyak naman ng Kamara na pagtitibayin sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo.
- Latest
- Trending