MANILA, Philippines - Hindi lamang mga senador, miyembro ng prosecution panel at defense panel ang sumisikat sa impeachment trial ni impeached Chief Justice Renato Corona kundi maging si Senate Sergeant-at-arms Jose Balajadia na araw-araw na napapanood sa telebisyon at ngayon ay ring tone na ang kaniyang opening statement sa trial na “please all rise”.
Mismong si Balajadia ay nagulat nang marinig umano na ginagamit ng ring tone ang kaniyang opening statement tuwing magbubukas ang impeachment trial.
Sa isang panayam sa media, ikinuwento ni Balajadia na kahit sa simbahan at sa mall ay may bumabati na sa kaniya na nagiging dahilan para mahiya siya. “Kahit sa department store pag pasok, ko binabati ako, ibig sabihin may nanonood sa trial,” dagdag niya. Minsan naman aniya ay nagkakamali at tinatawag siyang Mr. Sherrif.
Ikinuwento rin ni Balajadia na maging si Senator Lito Lapid ay binibiro siya sa kaniyang statement na “please all rise” at sinabihan umano siya ng senador ng “rise ka nang rise,” padadalhan kita ng ulam.
Marami rin umano ang nagbibiro kay Balajadia na dapat ay “java rice” naman ang kaniyang sabihin kaya minsan sa pagsisimula ng trial ay muntik na niyang masabi ang salitang “java rice” pero agad siyang nakapag-isip kaya hindi natuloy.