MANILA, Philippines - Tatapusin muna ng House Committee on Ethics ang impeachment proceeding ni Chief Justice Renato Corona bago aksyunan ang mga reklamo na ihahain sa dalawang kongresista na umano’y kumalap ng mga illegal na dokumento.
Ayon kay Bohol Rep. Erico Aumentado, chairman ng nasabing komite na maaari silang ma-subjudice kaya patatapusin muna ang impeachment trial bago imbestigahan sina Quezon Rep. Jorge “Bolet” Banal at Mindoro Rep. Reynaldo Umali sa posibilidad ng paglabag sa Bank Secrecy Law.
Paliwanag pa ng kongresista, mahalagang respetuhin ang inter-parliamentary courtesy sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ngayong araw isusumite ng oposisyon ang isang resolusyon na nagsusulong sa Ethics Committee upang imbestigahan sina Banal at Umali.
Matatandaan na sinabi ni Umali sa impeachment court na ibinigay sa kaniya ng isang “small lady” ang mga dokumentong ibinigay niya sa prosekusyon samantalang si Banal naman ay nagsabi sa mga senador na nakuha niya ang hawak niyang bank records ni Corona sa kaniyang garahe.
Ang nasabing mga bank records ang ginamit ng prosekusyon upang maipa-subpoena ang mga dokumento at opisyal ng PSBank at Bank of Philippine Islands.