MANILA, Philippines - Gunitain na lamang pero hindi na dapat ipagdiwang ang EDSA People Power 1, ayon mismo kay Senator Gringo Honasan, isa sa mga pangunahing personalidad sa makasaysayang okasyon.
Wika ni Honasan, sa kabila ng maraming taong lumipas, patuloy pa rin ang nararanasang kahirapan, kawalan ng trabaho at kawalan ng sariling tahanan ng maraming Filipino kaya wala ng sapat na dahilan upang ipagdiwang ito.
Pero maaari pa rin naman aniyang gunitain ito sa historya ng bansa kung saan nawakasan ang pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Si Honasan at si Senate President Juan Ponce Enrile ay lalahok pa rin ngayon sa commemoration ng EDSA People Power I.
Idinagdag pa ni Honasan na bagaman at hanggang ngayon ay bigo pa ring matamo ang ipinaglaban noon sa EDSA, 26 na taon na ang nakakaraan, dapat pa rin aniyang ipagmalaki na naging inspirasyon ito sa ibang bansa na pinatalsik ang isang abusadong lider sa pamamagitan ng People Power.
Nanghihinayang din si Honasan na marami ng lumipas at nasayang na panahon at pagkakataon para matamo ang tunay na diwa ng EDSA People Power.
Matatandaan na sa EDSA People Power I unang nakilala si Honasan bago siya maging senador ng ilang termino.