Kalidad ng nursing mas bumaba pa
MANILA, Philippines - Nababahala ang Professional Regulatory Commission (PRC) sa kalidad ng nursing education sa bansa, matapos mapansin ang pagbaba ng passing rates sa nakaraang nursing board examination.
Ayon sa PRC, mas mababa ang 33.92 percent passing rate nitong Disyembre 2011 kung ikukumpara sa 35.25 percent noong Disyembre 2010, na tinaguriang ‘lowest in history’, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Aabot lamang sa 22,760 ang pumasa sa 67,095 na kumuha ng exam noong Disyembre.
Isinisisi ng mga awtoridad ang mababang kalidad ng mga nursing school sa pagbaba ng percentage ng mga nakapasa.
Karamihan umano sa mga nakapasa ay patungo sa daan ng unemployment sapagkat nagkaroon na ng oversupply ng nurses ang bansa.
Patuloy naman ang panawagan ng Labor officials ng bansa na huwag kumuha ng kursong nursing ang mga magsisimula pa lamang ng kolehiyo.
Noong 2004, idineklara ng CHED ang moratorium sa pagbubukas ng mga bagong nursing schools dahil sa pagbaba ng kalidad at oversupply ng nurses.
Sa kabila nito, daan-daan pa ring bagong nursing schools ang nagbukas sapagkat, dahil na rin umano sa “political pressure,” napilitan ang CHED na maghinay-hinay sa pagpatutupad ng moratorium.
- Latest
- Trending