Alumni homecoming binoykot ng Class '74

MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon ay binoykot ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1974 ang taunang PMA Alumni Homecoming sa Fort Gregorio del Pilar, Baguio City kahapon ng umaga.

Naging kapansin-pansin ang kawalan ng isa mang miyembro ng PMA Class 74 na kinabibilangan ni dating PNP Chief ret. Director General Avelino Razon Jr., sa naturang Alumni Homecoming na dinaluhan ni Department of National Defense (DND) Secretary Voltaire Gazmin na siyang nagsilbing guest speaker.

Ayon sa isang PMAer na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi normal ang ‘di pagdalo ng sinumang miyembro ng PMA Class 74 sa alumni homecoming lalo pa’t napakabata pa ng mga ito kumpara sa mga cavaliers na nagtitiyagang dumalo sa kabila ng kanilang katandaan.

Si Razon ay nadawit sa maanomalyang pagpapagawa ng armored personnel carrier ng Philippine National Police.

Bukod kay Razon, kapuna-puna rin ang ‘di pagsipot sa seremonya ng ilan pang cavaliers na nadawit sa kontrobersya gaya nina dating PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa na kasama sa kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng anomalya sa pagbili ng second hand helicopters ng PNP.

Hindi rin dumalo si dating National Bureau of Investigation (NBI) Chief Magtanggol Gatdula na nasasangkot ang mga subordinate sa kasong pagdukot sa isang Japanese national.

Samantala, kapuna-puna rin ang hindi pagdalo ng ilang miyembro ng PMA Class 1978 na kinabibilangan ni dating AFP Chief of Staff ret. Gen. Delfin Bangit na napilitang magretiro ng maaga dahil hindi choice ni PNoy na magsilbi sa top post ng AFP sa ilalim ng kaniyang liderato.

No show din sa programa si dating AFP Comptroller Jacinto Ligot at PNP Comptroller Eliseo dela Paz.

Show comments