Naka-impound na hinuling mga sasakyan sa LTO isusubasta na!
MANILA, Philippines - Inanunsiyo na ng National Capital Region-Land Transportation Office (NCR-LTO) ang public bidding sa hinuling mga pampasaherong sasakyan na matagal ng nakaimbak sa impounding area ng ahensiya at hindi kinukuha ng mga may-ari nito.
Ayon kay Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III, director ng NCR-LTO, nakahanda na ang mahalagang mga papeles pati Internal Rules and Regulations na batayan ng Commission on Audit-Internal Auditor para sa bidding.
Sa kasalukuyang umiiral na batas ng ahensiya, lahat ng mga hinuli at na-impound na mga sasakyan na wala pang kumukuha na may-ari sa loob ng anim na buwan ay kinokonsiderang abandonado at papasubasta na sa publiko.
Ang mga behikulo na ipapasubasta ay mga taxi, jeep, bus, motorcycles na naka-impound sa NCR-LTO Northern at Southern Motor Vehicle Inspection Center compound sa East Avenue, Quezon City at Pasay Road, Pasay City.
Ang bidding ay pangangasiwaan ng mga opisyal ng NCR-LTO sa pamumuno ni Angie Fadriquela at kinatawan ng CoA.
Ang mga hinuli at na-impound na kasalukuyang dinidinig sa Adjudication Board at ibang korte ay hindi kasama sa subasta dahil dapat munang tapusin ang kaso batay sa batas.
- Latest
- Trending