Hustisya 'binaboy' ng TRO
MANILA, Philippines - Isa umanong “pagyurak sa hustisya” ang temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Supreme Court sa dollar bank accounts in impeached Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Bantay Gloria Network (BGN) spokesperson Risa Hontiveros, ang TRO sa dollar deposit ni Corona ay lantaran umanong pagharang sa pagkilos ng Senado na mapalabas ang katotohanan kaugnay ng multi-milyong deposito niya sa mga bangko.
“Bakit naman itinatago ni Corona ang limang dollar accounts niya na ang isa ay sinasabing naglalaman ng $700,000 o mahigit P30 milyon?” tanong ng BGN.
Kaugnay nito ay muling iginiit ng BGN at kaalyado nitong Black & White Movement, ang pagbibitiw ni Corona o pwersang pagpapabakasyon sa kanya sa SC habang nililitis sa Senado.
Puna ni Hontiveros, kung papaanong nag-isyu ang Corona-led SC ng TRO para umano matakasan ni Gloria Arroyo ang plunder at electoral sabotage case niya ay “nagsasabwatan” na naman ang mga Arroyo justices para naman iligtas si Corona.
“Iyan ba ay dahil imposibleng magkamal siya ng ganoong kalaking pera sa kakarampot na sweldo ng isang mahistrado ng Korte Suprema?” tanong pa ng dating representante ng Akbayan.
Sinabi naman ni Leah Navarro ng Black & White na malinaw na nagkakampi-kampi ang mga appointee ni dating Pangulong Arroyo sa SC para madiskaril ang paglabas ng mga ebidensya laban kay Corona.
Nanawagan si Navarro sa mga senator-judges na “balewalain” ang TRO at ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan sa mga pag-aari at salapi na hindi idineklara ni Corona sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Idinagdag pa ni Hontiveros na sa pagkakabuking ng P19.7 milyong deposito ni Corona sa PSBank at P12 milyong deposito sa Bank of the Philippine Islands noong 2010, sapat na umano ang ebidensya na hindi siya naging matapat sa pagsusumite ng kanyang SALN.
Ipinaalala din ni Hontiveros sa Senado na isang taon pa lang ang nakararaan nang magdesisyon ang SC na apirmahin ang conviction at pagpapakulong sa isang maintenance man sa Naga dahil lang hindi niya nailagay sa kanyang SALN na may malapit na kaanak siya sa gobyerno.
Samantala, iginiit naman ni Akbayan Rep. Walden Bello na karamihan ng mga abogado at constitutionalists na nakausap nila ay naniniwala na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Korte Suprema nang panghimasukan ang esklusibong kapangyarihan ng Senado na litisin ang reklamo laban sa mga impeachable official sa bansa tulad ni Corona.
“The Senate must stand its ground because under the Constitution it is superior to the SC in any and all matters pertaining to the impeachment of Corona,” wika ni Bello.
“If the Senate gives in to the SC in this first instance, nothing will stop Corona’s pals at the SC from undermining further the authority of the Senate as an impeachment tribunal,” dagdag ni Bello.
Binigyang-diin pa ni Bello na ang na-TRO na dollar accounts ni Corona sa PSBank ay walang pinagkaiba sa “second envelope” na ang hindi pagkakabukas ng Senado sa impeachment trial ni Pangulong Estrada ay nagresulta sa EDSA Dos people power revolution.
- Latest
- Trending