MANILA, Philippines - Naghain ng tatlong pleadings sa Korte Suprema ang kampo ni Su preme Court Chief Justice Renato Corona para pigilan ang isinasagawang impeachment proceedings, pigilan ang pagtestigo at pagsusumite ng bank documents ng PSBank at BPI sa impeachment court.
Una ay ang urgent petition for certiorari and prohibition at writ of preliminary injunction kung saan hiniling nila na magpalabas ang Mataas na Hukuman ng temporary restraining order (TRO) upang hindi muna matuloy ang impeachment trial.
Nakasaad din sa 39-pahinang petisyon na ang impeachment complaint ay null and void dahil na-itransmit iyon nang walang notice o pagdinig kay Corona. Nakagawa rin umano ang impeachment court ng grave abuse of discretion.
Ang ikalawa namang pleading ay ang motion for inhibition laban kina Justices Antonio Carpio at Lourdes Sereno dahil sa lantaran umano nilang pagtuligsa kay Corona. Ang dalawa rin umano kasi ang napapaulat na pinagpipiliang pumalit kay Corona sakaling ito ay mawala sa pwesto.
Ang pagiging magkaribal sa pagitan nina Carpio at Corona ay isa umanong public know ledge, habang si Sereno naman ay lantarang sinubok ang kapangyarihan ng punong mahistrado at siya rin ay kabilang sa mga ipinatatawag bilang testigo ng prosekusyon.
Ang ikatlo ay ang motion for special raffle kung saan hiniling nila na agad na mairaffle ang inihain nilang pleadings.
Bukod pa ito sa inihaing petition for TRO ng pamunuan ng PSBank.
Naniniwala ang bangko na nilabag ng subpoena ang Republic Act 6426 o ang Foreign Currency Deposits Act, na may ipinatutupad na confidentiality sa foreign bank deposits at tanging ang depositor lamang ang siyang may karapatan na magbigay ng karapatan na buksan ang kanyang bank record.
Ayon pa sa bangko, nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang Senate impeachment court nang atasan nito ang bangko na ilabas ang bank records ni Corona.
Posibleng magkaroon din ng criminal liability ang bangko hinggil sa pag labag sa RA 6426 kung saan nalalagay din sila sa posibleng suspensiyon ng Central Bank dahil sa pagtanggap ng mga bagong foreign currency deposits.